
Ang isang 1.5-anyos na bata sa Quezon ay namatay matapos mahirapang huminga habang natutulog nang nakadapa. Ayon sa kwento ng ina na tinawag na Jennifer, bandang alas-8 ng gabi noong Hunyo 21, pinakain niya ng kanin at sabaw ang anak. Pagkalipas ng kalahating oras, uminom ito ng gatas at natulog bandang alas-9 ng gabi.
Pagsapit ng alas-12:40 ng madaling araw, nagising si Jennifer para magbanyo at nakita ang anak na nakadapa. Nang baliktarin niya ito, napansin niyang lanta na at hindi gumagalaw. Sabi niya, “Violet na ang labi niya.” Dinala nila agad sa ospital, pero hindi na naisalba pa. Lumabas sa death certificate na aspiration pneumonia ang sanhi ng pagkamatay dahil napunta ang pagkain at likido sa baga.
Paliwanag ni Pediatrician Dr. Benjamin Co, delikado ang pagtulog nang dapa lalo na sa mga bata. Maaaring mahirapang huminga o marebreathe ang sariling hangin na pwedeng magdulot ng pagbaba ng oxygen. Paalala ng ina, “Huwag niyong hayaang matulog nang nakadapa ang anak, baka mangyari rin ito sa kanila.”