
Ang isang lokal na korte sa Maynila ay nagdesisyon na si Alice Guo ay “undoubtedly Chinese” kaya’t tinanggal siya bilang mayor ng Bamban, Tarlac. Ayon kay Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu ng Manila RTC Branch 34, si Guo ay hindi dapat nakaupo bilang mayor dahil wala siyang karapatan.
Sa desisyon noong Hunyo 27, sinabi ng korte na si Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, ay isang Chinese citizen at anak nina Guo Jian Zhong at Lin Wenyi, parehong Tsino. Idinagdag pa ng korte na wala ring birth, death, at marriage records para sa sinasabi niyang mga magulang, at napatunayan sa fingerprint na siya ay si Guo Hua Ping.
Si Guo ay halos 10 buwan nang nakakulong dahil sa kasong qualified human trafficking na hindi puwedeng piyansahan. May hiwalay pa siyang kaso ng money laundering at graft na may kinalaman sa operasyon ng scam hub sa Bamban, Tarlac. Depensa niya, inuupa lang daw niya ang kanyang property sa isang POGO.
Sinabi ng korte na mahalagang tapusin ang desisyon dahil may banta ito sa pambansang seguridad. Bagong mayor na ang nakaupo pero itinuloy pa rin ang kaso para malinaw na si Guo ay hindi lehitimong opisyal.