
Ang isang negosyanteng Pilipino ay ligtas na nakaligtas matapos tambangan sa parking ng isang mall sa Amorsolo Street, Makati City noong Huwebes ng gabi, June 26, 2025. Ayon sa isang saksi, kasasakay lang ng biktima sa kanyang itim na SUV nang biglang may lalaking naka-sumbrero na lumapit at binaril siya ng apat na beses. “Bigla pong may tumakbo at binaril si boss namin. Tapos po, mabilis na tumakas,” sabi ng testigo.
Hindi tinamaan ng bala ang negosyante at agad na nakalabas ng sasakyan. Tumakas ang gunman sakay ng isang sedan na minamaneho ng kasabwat. Hindi nagtagal, naabutan sila ng mga pulis sa Arnaiz Avenue corner Paseo De Roxas.
Sa mas mababa sa dalawang minuto, nahuli ang dalawang suspek na parehong Chinese nationals. Nakuha sa kanila ang tatlong baril, mga patalim, martilyo, packing tape, at iba pang gamit. Ayon kay Police Colonel Reycon Garduque, wala umanong ideya ang biktima kung bakit siya tinambangan dahil wala naman daw siyang nakaalitan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Makati PNP para malaman kung miyembro sila ng gun-for-hire group at kung may koneksyon sila sa POGO. Mahaharap ang mga suspek sa kasong Attempted Murder at Illegal Possession of Firearms. Tumanggi silang magbigay ng pahayag.