Ang isang gas attendant sa Cebu City ay muntik nang mawalan ng tatlong araw na sahod matapos tumakas ang isang truck driver na hindi nagbayad ng P1,278.80 na diesel.
Si Rosely Pangaligan, nagtatrabaho sa isang Petron gas station sa B. Rodriguez Street, nagkwento na nangyari ito bandang 1 a.m. noong Linggo, June 22. Sabi niya, kung hindi babalik ang driver, siya mismo ang kailangang magbayad ng halaga.
Makalipas ang dalawang araw, bumalik din ang driver madaling-araw ng June 24 matapos maging usap-usapan ang insidente. Paliwanag niya, naaksidente raw ang sasakyan kaya hindi siya nakabalik agad para magbayad.
Sa parehong linggo, biglang tumaas ang presyo ng diesel dahil sa tensyon sa pagitan ng Israel at Iran. Ayon sa mga ulat, maaapektuhan daw ang kalakalan sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo.
May dalawang hakbang na pagtaas ng presyo ang ipinatupad para hindi masyadong mabigla ang publiko. Pero kung magtutuloy ang ceasefire, posible raw na bumaba ng kaunti ang presyo ng gasolina.