
Ang apat sa siyam na taong nasaktan sa karambola ng 10 sasakyan sa Sumulong Highway, Antipolo ay nakalabas na sa ospital nitong Miyerkules ng gabi. Ayon sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center, ang mga sugatang lalaki na may edad 34, 59, 36, at 32 ay nagtamo lang ng mga gasgas at minor na sugat.
Ayon sa Barangay Mambugan, ang limang iba pa ay agad na dinala sa Annex Hospital at Quirino Hospital para magamot. Kabilang dito ang drayber ng dump truck na sinasabing nawalan ng preno at siyang naging dahilan ng banggaan. Ilang oras din siyang naipit sa sasakyan bago mailigtas.
Sa ngayon, nagpapagaling pa ang drayber at maaaring masampahan ng kaso dahil sa reckless imprudence na nagresulta sa pagsugat sa iba at pagkasira ng mga sasakyan.
Patuloy pa ring binabantayan ng Antipolo Disaster Risk Reduction and Management Office ang kalagayan ng iba pang nasugatan sa insidente.