Ang isang Maxim rider na si Jamerito Abrasada Paired, 49-anyos, ay ninakawan ng pasahero nitong si Rodaive Asintesta Belleza, 37-anyos, sa Barangay Talavera, Toledo City, nitong Martes, June 24, 2025 bandang 11:40 a.m.
Ayon sa imbestigasyon, gumamit si Belleza ng Maxim app at nagpabook ng sakay mula South Bus Terminal sa Cebu City. Dinala siya ng rider sa unang destinasyon sa Tabunok, Talisay City, ngunit inutusan pa siyang magtuloy sa Campo 1.
Habang bumibiyahe, nagdeklara ng holdap ang suspek at pinwersa ang rider na dalhin siya sa Barangay Dumlog, Toledo City. Kinuha umano ni Belleza ang ₱100 at tinakot ang rider na huwag magsumbong sa pulis.
Nakahanap ng tulong si Paired mula sa mga pulis sa Barangay Sangi. Sa loob lang ng limang minuto, nahuli agad si Belleza ng Toledo City Police. Nakumpiska sa kanya ang isang baril at ipinagbabawal na gamot.
Kasalukuyang nakakulong si Belleza habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.