Ang college basketball star na si Cooper Flagg ay inaasahang mapipili bilang unang overall pick sa 2025 NBA Draft ng Dallas Mavericks. Nakamit ng Dallas ang top pick matapos manalo sa NBA Draft Lottery noong nakaraang buwan. Si Flagg ay 18 taong gulang at galing sa Duke University kung saan nagtala siya ng average na 19.2 puntos, 7.5 rebounds, 4.2 assists, at 1.4 steals at blocks kada laro.
Ayon kay LeBron James, isa sa mga pinakamagagaling na manlalaro sa NBA, "Magiging kamangha-mangha siya." Sa kanyang podcast, sinabi ni LeBron na marunong si Flagg maglaro with or without the ball, mabilis, at may malakas na second jump. Isa rin siyang versatile playmaker na may taas na 6'9 at timbang na 225 pounds.
Tanging ang Dallas lang ang binisita ni Flagg bago ang draft. Kung mapipili nga siya, magiging unang player mula Maine na nadraft mula pa noong 1984. Sabi niya, "Kahit saan ka man galing, basta naniniwala ka sa sarili mo, kaya mong maabot ang gusto mo."
Sa kasalukuyan, kasama sa lineup ng Dallas sina Anthony Davis at Kyrie Irving. Idinagdag pa ni LeBron na malaking bagay para kay Flagg na makasama ang mga veteran players tulad nina Davis, Irving, at Klay Thompson, pati na ang head coach na si Jason Kidd. Malaking tulong daw ito sa kanyang pag-develop bilang bagong star ng NBA.
Ang ibang teams sa top 10 picks ay kinabibilangan ng San Antonio, Philadelphia, Charlotte, at Utah. May ulat din na nakuha na ng Phoenix Suns ang 10th pick mula sa Houston kapalit ni Kevin Durant, pero hindi pa opisyal ang deal. Samantala, gumawa ng hakbang ang Portland Trail Blazers sa pagkuha kay Jrue Holiday mula Boston kapalit nina Anfernee Simons at draft picks.