Ang isang 14-anyos na batang babae ay nailigtas mula sa prostitusyon sa loob ng isang hotel sa Binondo, Maynila noong gabi ng Hunyo 20. Dalawang suspek ang naaresto sa isinagawang operasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Nauna nang nagsampa ng reklamo ang biktima kasama ang kanyang ina kaugnay sa naunang insidente ng pang-aabuso kapalit ng pera. Matapos kumpirmahin ang ulat, agad na inalagaan ang bata sa tulong ng mga ahensyang panlipunan para sa kanyang medikal at sikolohikal na pangangailangan.
Isang linggo matapos ang reklamo, muling tinangkang ipabook online ang bata ng mga suspek. Dahil dito, agad na ikinasa ang rescue at entrapment operation, kung saan naaresto ang mga suspek at narekober ang digital evidence.
Kakasuhan ang mga suspek sa ilalim ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan ng RA 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. Patuloy na nasa protective custody ang menor de edad.
Ayon kay NCRPO Regional Director MGen. Anthony Aberin, mahalaga ang mabilis na aksyon ng pulisya sa mga kasong may kinalaman sa mga minor de edad, alinsunod sa utos ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III. Hinihikayat ang publiko na agad mag-ulat ng anumang uri ng abuso, dahil kahit maliit na impormasyon ay maaaring magbunga ng agarang aksyon.