
Ang 34 na sabungero na nawawala mula pa noong 2021 ay patay na at umano’y inilibing sa Taal Lake, ayon sa isa sa mga suspek na gustong maging state witness. Sa panayam ng “24 Oras” ng GMA News, sinabi ng suspek na si alias Totoy na ang mga biktima ay sinakal gamit ang alambre.
Ayon kay Totoy, banta sa kanyang pamilya ang nagtulak sa kanya para magsalita. Nangako siyang papangalanan ang utak ng krimen sa tamang panahon. Sinabi rin niyang pare-parehong nandaya sa sabong ang mga biktima kaya sila tinarget.
Dagdag pa ni Totoy, isinurender nila ang mga biktima sa ibang grupo na hindi niya pinangalanan. Inamin din niyang may mga drug lord ring inilibing sa parehong lugar — Taal Lake.
Kasalukuyang gumagalaw ang Department of Justice (DOJ) para maibalik sa kustodiya ang anim na security guard na dati nang kinasuhan ng kidnapping at illegal detention ng mga sabungero.
Pinayagan na ng Court of Appeals ang hiling ng prosekusyon na bawiin ang piyansa ng mga suspek na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.