
Ang Malacañang ay naglabas ng babala laban sa pagpapakalat ng AI-generated fake news, matapos ibahagi ni Senador Ronald Dela Rosa at Davao City Mayor Sebastian Duterte ang isang video na nagpapakita ng umano'y suporta ng mga estudyante kay Bise Presidente Sara Duterte. Napag-alamang gawa lamang ito ng artificial intelligence at hindi tunay ang mga estudyante sa video.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, hindi dapat galing sa mga opisyal ng gobyerno ang disinformation o maling impormasyon. Aniya, "nawawala ang tiwala ng publiko kapag ang mga pinuno pa mismo ang nagpapalaganap ng fake news."
Ipinaliwanag din ni Castro na maaaring maparusahan ang mga opisyal na aktibong nakikibahagi sa pagpapakalat ng maling balita, lalo na kung nagbibigay sila ng opinyon ukol dito. Maaaring ikonsidera ang kasong libelo o paninirang puri, depende sa kabuuang sitwasyon.
Sa gitna ng isyung ito, sinabi ni Sara Duterte na wala raw masama sa pagbabahagi ng AI-generated na video basta hindi ito ginagamit pangnegosyo. Ayon sa kanya, okay lang daw ito kung layunin ay suporta at hindi para sa kita. Kasabay nito, itinanggi rin ni Sara ang mga paratang na dahilan ng kanyang impeachment.
Sa hiwalay na usapin, inilahad ni Sara Duterte na may mga troll farms na tinutumbok siyang sirain. Isa sa mga ito ay ang iniulat ng OpenAI na kampanyang “Covert IO: Operation High Five,” na umano’y pinamumunuan ng Comm&Sense Inc., isang PR firm na konektado kay Jaeger Tanco. Pero aniya, hindi niya na balak magsampa ng kaso dahil "ang AI na mismo ang nagbunyag ng katotohanan."