Ang buntis na menor de edad ay nasagip habang isang lalaki ang naaresto sa isang buy-bust operation ng NBI-Cebu District Office sa Barangay Tisa, Cebu City noong Lunes, Hunyo 16.
Nakilala ang suspek na si Alvin Tabanas Plando, 37-anyos, na nahuli sa kanyang bahay sa Sitio Manga. Ayon sa ulat, siya ay nagbebenta ng ilegal na droga. Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang ₱243,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Nakita rin sa lugar ang isang 16-anyos na buntis na babae. Ayon sa kanya, tumuloy lang siya sa bahay matapos makasagutan ang kanyang nobyo na pinsan umano ni Plando. Nagpositibo rin siya sa paggamit ng droga.
Ayon sa NBI, may ulat na ginagamit umano ni Plando ang mga minor de edad sa pagre-repack ng shabu kapalit ng bayad. Sinabi ni Agent-in-Charge Arnel Pura na ito ay nakakabahala kaya agad silang kumilos. Hindi pa kumpirmado kung ang nasabing buntis ay parte ng operasyon.
Nahaharap si Plando sa kaso sa ilalim ng Republic Act 9165, habang ang menor de edad ay isasailalim sa DSWD para sa kaukulang tulong at aksyon. Mariing itinanggi ni Plando ang paratang at sinabing tsismis lamang daw ang mga ito.