Ang isang 21-buwang gulang na bata ay namatay matapos umanong maiwan ng kanyang ama sa loob ng mainit na sasakyan ng halos siyam na oras. Ayon sa ulat ng PEOPLE Magazine, nangyari ang insidente noong Hunyo 8 sa harap ng isang bahay sa Madisonville, Louisiana, US. Umabot sa 94°F (o 34°C) ang temperatura ng araw na iyon, habang ang heat index ay pumalo sa 104°F (40°C).
Si Joseph Boatman, 32, ang ama ng bata, ay sinasabing kinuha ang kanyang anak mula sa bahay ng kamag-anak bandang 2:30 a.m. at inilagay ito sa car seat sa loob ng sasakyan. Pagkatapos ay bumalik siya sa loob ng bahay. Hindi malinaw kung bakit niya ginawa ito, ngunit ayon sa St. Tammany Parish Sheriff’s Office, nakainom umano si Boatman ng maraming alak noong gabing iyon.
Bandang tanghali, napansin ng isang kamag-anak na nawawala ang bata kaya agad silang tumawag ng pulis. Natagpuan ang bata sa sasakyan na wala nang malay at idineklarang patay sa pinangyarihan.
Ayon kay Sheriff Randy Smith, “Ito ay isang trahedyang hindi kailanman gugustuhin ng sinuman. Kapag may batang naiiwan sa sasakyan lalo na sa init na lagpas 100 degrees, maaaring mauwi agad sa kamatayan ang sitwasyon.”
Si Boatman ay nahaharap ngayon sa kasong second-degree murder at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis. Ang kanyang piyansa ay itinakda sa $750,000 o humigit-kumulang ₱42 milyon.