
Ang CEO ng Pop Mart na si Wang Ning ay isa na sa pinakamayamang tao sa China, at siya rin ang pinakabatang bilyonaryo sa bansa. Ang kanyang tagumpay ay nag-ugat sa kasikatan ng Laruan na Labubu, isang kakaibang karakter na may matulis na tenga at nakangiting matulis na ngipin.
Nagsimula ang Pop Mart noong 2010 sa Beijing bilang isang tindahan ng iba’t ibang brand. Ngunit naging matagumpay ito nang lumipat sila sa paggawa ng sarili nilang original na karakter at ibenta ito sa pamamagitan ng "blind box" model—isang kahon na may laruan na hindi mo alam kung anong design ang makukuha mo. Ang ganitong paraan ay nagdala ng excitement at koleksyon craze lalo na sa mga kabataang henerasyon at collectors.
Si Labubu, na ginawa ng Hong Kong artist na si Kasing Lung, ang naging pinaka-popular sa lahat ng karakter ng Pop Mart. Mula nang ma-license ito noong 2019, naging sobrang sikat na ito sa buong mundo, lalo na sa tulong ng mga celebrity tulad nina LISA ng BLACKPINK, Emma Roberts, Dua Lipa at Rihanna na nakitang may bitbit na Labubu sa kanilang mga bag.
Dahil sa sobrang demand, lumobo ang kita ng Pop Mart ng 188% noong 2024, na umabot sa humigit-kumulang 13 bilyong yuan o $1.8 bilyong USD. Ang franchise na "Monsters" na kinabibilangan ni Labubu ay tumaas ang kita ng higit 726.6%, at ito ang naging top earner ng kumpanya.
Dahil dito, ang kayamanan ni Wang Ning ay umabot na sa higit $20 bilyong USD, dahilan upang mapasama siya sa Top 10 Pinakamayayamang Tao sa China—lahat dahil sa isang maliit na laruan na naging global craze.