Ang tatlong tao ay nasugatan matapos ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa Visayas Avenue, Quezon City, madaling araw ng Biyernes, Hunyo 13, 2025. Ayon sa CCTV, dahan-dahang kumaliwa ang isang motor galing sa Tandang Sora at pagkatapos makalampas sa isang tricycle, nabangga ito ng kasalubong na motorsiklo na may isang angkas. Tumilapon ang mga sakay sa kalsada.
Sa cellphone video, makikitang nakahandusay ang rider na naka-puting t-shirt habang nakaupo sa tabi niya ang kanyang angkas, na ka-trabaho pala niya sa isang mall. Sa hindi kalayuan, makikita rin ang isa pang rider na naka-itim na t-shirt na humahagulgol.
Agad dumating ang mga rescue team at dinala sa ospital ang mga biktima. Ayon kay Flordiliza De Ocampo ng Barangay Vasra, inuna nilang tulungan ang naka-puti dahil wala na itong malay at maraming dugo sa ulo. Ang umiiyak na rider ay may sugat sa noo, habang ang isa pang rider na naka-green shirt ay may mga gasgas sa siko at kilay.
Dagdag pa ni De Ocampo, ang lugar kung saan nangyari ang aksidente ay madalas na banggaan. Puwede raw kasing mag-U-turn sa parteng iyon, pero dapat dahan-dahan. Baka hindi napansin ng unang rider ang paparating na motor matapos magbigay-daan sa tricycle.
Isa sa mga nasugatan ay na-discharge na mula sa ospital habang patuloy na chine-check ang kondisyon ng dalawa pang rider. Iniimbestigahan pa ng QCPD Traffic Sector 6 ang insidente.