Ang dalawang customs broker na sina Wyeth Lara Navales at Leila Lara Navales ay naaresto ng Bureau of Customs-CIIS at NBI-AOTCD matapos ireklamo ng pangingikil. Naganap ang operasyon sa isang coffee shop sa Ermita, Manila.
Ayon sa reklamo ni Kenji Otsuka ng Otsuka Freight Forwarders Co., Ltd., hiningian siya ng P1.9 million ng magkapatid kapalit ng mas mabilis na proseso sa Customs. Nauna na rin daw siyang nakapagbigay ng P500,000 bilang “pampadulas.”
Paliwanag ni Deputy Commissioner Juvymax Uy, ang P500,000 ay umano’y engagement fee na sinabing kasama na ang broker’s fee at customs taxes. Pero nang dumating ang shipment, sinabi umano ni Wyeth na naka-hold ito at kailangan ng karagdagang bayad para hindi ito masamsam.
Kinondena ni Customs Commissioner Bien Rubio ang ilegal na aktibidad ng mga broker at pinuri ang mabilis na aksyon ng mga operatiba. Tiniyak niya na kakasuhan ang dalawa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI ang magkapatid na Navales at sasampahan ng kasong Robbery with Violence o Intimidation by Way of Extortion.