Ang 21-anyos na lalaki ay nabaril at napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City noong gabi ng Hunyo 12. Ayon sa pulisya, nagpanggap na buyer ang kanilang operatiba para mahuli ang suspek na sangkot sa ilegal na bentahan ng baril.
Sa halip na ibigay ang baril kapalit ng P21,000, pinutukan ng suspek ang pulis. Mabilis namang nakatakas ang pulis at agad gumanti ang back-up team kaya nabaril ang suspek. Isang residente ang nagsabing akala nila ay paputok, pero yun pala'y totoong barilan.
Bago ang operasyon, ang suspek ay sangkot pa umano sa panghoholdap. Bandang alas-5 ng hapon, nambiktima sila ng delivery rider na may dalang dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P81,000. Nakilala rin ng biktima ang suspek pagkatapos ng engkwentro.
Sa lugar ng insidente, narekober ang dalawang baril at isang granada. Ayon sa imbestigasyon, sangkot din ang suspek sa carnapping at gun-for-hire activities. Patuloy namang hinahanap ang kasabwat nito sa holdapan.