
Ang mga Indian nationals ay maaari nang bumiyahe sa Pilipinas nang hindi kailangan ng visa. Inanunsyo ito ng Department of Foreign Affairs bilang hakbang para palakasin ang turismo mula India.
Para sa tourism purposes, pinapayagang manatili sa bansa ng hanggang 14 araw ang mga Indian nationals nang visa-free, basta’t dala nila ang mga sumusunod: valid passport, hotel booking, return ticket, at proof of financial capacity.
Kung may hawak namang valid visa o residence permit mula sa US, Canada, Australia, Schengen area, Singapore, o UK, puwedeng manatili sa Pilipinas ng hanggang 30 araw. Hindi rin ito puwedeng palitan ng visa-based stay o anumang ibang status.
Ang mga visa-free entry na ito ay para lamang sa mga papasok na turista. Hindi ito maaaring i-extend o i-convert para sa ibang layunin. Kailangan ding walang derogatory record sa Bureau of Immigration ang aplikante.
Noong 2024, halos 80,000 Indian nationals ang bumisita sa bansa — tumaas ng 12% kumpara sa 2023. Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, malaki ang potensyal ng India sa larangan ng turismo, kaya mas pinalalakas ang ugnayan sa kanila.