Ang anim na lalaki ay inaresto matapos mahuling nagnanakaw ng internet cable na nagkakahalaga ng P198,000 sa Barangay 71, Caloocan City nitong madaling-araw ng Miyerkules. Ayon kay PLt. Alexander Sales ng Caloocan Police Sub Station 3, nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen na may mga lalaking nagpuputol ng kable sa imburnal sa Rizal Avenue.
Naabutan ng mga pulis ang mga suspek habang ipinapasok ang nasa 45 piraso ng putol na kable sa loob ng delivery vehicle. Wala umanong maipakitang permit ang mga lalaki kaya agad silang inaresto. Narekober din sa kanila ang dalawang bolt cutter at lubid na ginamit nila sa pagkuha ng mga kable.
Isa sa mga nahuli ay isang 16-anyos na binatilyo, na agad dinala sa youth center bilang bahagi ng programang Children-in-Conflict-with-the-Law (CICL). Kasama ring nahuli ang dalawang driver ng delivery van na ginamit sa krimen. Depensa nila, nadamay lang sila at hindi nila alam ang buong sitwasyon.
Ayon sa mga suspek, inutos lang daw sa kanila ng isang hindi kilalang lalaki ang pagputol at pagbuhat ng kable kapalit ng bayad na hanggang P500. Aminado silang alam nila ang ginagawa, pero napilitan lang daw sila dahil sa pangangailangan sa pera.
Sa ngayon, iniimbestigahan kung may kaugnayan ang grupo sa iba pang insidente ng nakawan ng kable sa parehong lugar noong Abril. Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at mahaharap sila sa kasong theft at paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.