
Ang sitwasyon sa Pasay detention center ay lalong lumalala. Dalawang POGO workers – isang Chinese at isang taga-Myanmar – ang namatay dahil sa komplikasyon sa HIV at respiratory illness. Sila ay kabilang sa mga inahuli ng PAOCC dahil sa illegal na pagtatrabaho sa bansa.
Nasa 640 ang kabuuang bilang ng detainees sa nasabing facility, na dati umanong POGO hub. Pero dahil punuan na, halos 300 ang nagkasakit kamakailan dahil sa outbreak. Ayon kay PAOCC Chief Gilbert Cruz, pansamantalang itinigil ang operasyon sa paghuli ng illegal workers dahil sa kawalan ng space at panganib sa kalusugan.
Umaabot sa P2 milyon kada buwan ang ginagastos ng gobyerno para sa pagkain at gamutan ng mga detainees. Karamihan sa kanila ay may HIV at hepatitis B, ayon kay PAOCC Spokesperson Ernesto Tendero. May lingguhang check-up naman mula sa mga doktor at nurse sa lugar.
May 9,000 pa raw na dating POGO workers na hindi nahuli at posibleng gumagawa ng bagong ilegal na negosyo. Ayon kay Cruz, mabagal ang proseso ng deportation, kaya tumatagal ang pananatili ng mga nahuhuli sa detention.
May ilang detainees na naghain na ng petisyon laban sa PAOCC dahil sa kondisyon ng pagkakakulong nila. Tinutukoy din ang mga isyu sa Bureau of Immigration, lalo’t may mga paratang na may paboritismong pagpapalaya ng ilang POGO detainees.