Ang tatlong ina ay nahuli matapos umano nilang tangayin ang cellphone ng dalawang babaeng empleyado ng gobyerno sa Don Fabian Street, Brgy. Commonwealth, Quezon City nitong Lunes ng umaga. Habang naghihintay ng jeep ang mga biktima, lumapit umano ang tatlong suspek at mabilis na kinuha ang kanilang cellphone. Isang bystander ang nakakita sa insidente at agad humingi ng tulong sa malapit na traffic sector.
Ayon sa pulisya, ang tatlong suspek ay magkapatid na 42 at 39-anyos, kasama ang isang kaibigan na kapwa 39-anyos. May record na rin sila sa parehong kaso—ang isa ay anim na beses nang nahuli, habang ang dalawa pa ay tatlong beses nang nakulong dahil sa theft. May grupo raw sila na aktibo sa mga lugar tulad ng Quezon City, Caloocan, Manila, at San Jose Del Monte, Bulacan.
Aminado ang mga ina na nagawa nila ito dahil sa matinding pangangailangan. Gamit daw sana ang kikitain sa pagbenta ng cellphone para sa school supplies ng kanilang mga anak. Wala raw silang gang na kinabibilangan, at ayon sa kanila, ito ay desisyon nilang tatlo na magsama para makahanap ng paraan.
Nasamsam sa kanila ang dalawang cellphone na may halagang ₱6,000 at ₱5,000. Sa ngayon, nasa kustodiya na sila ng Batasan Police Station at haharap sa kasong theft habang patuloy pa ring pinaghahanap ang isa nilang kasamahan na tumakas.
Bagamat nagsisisi, hindi naibsan ang kaso laban sa kanila. “Dala lang po ng pangangailangan, nagsisisi po talaga ako,” sabi ng isa sa mga suspek habang naiiyak.