
Ang karanasan ni Carissa Klundt, isang 41-anyos mula Las Vegas, ay nagsilbing babala matapos siyang mapunta sa ICU dahil sa isang aksidente sa chiropractic session. Nagpatingin siya sa chiropractor matapos makaranas ng kirot sa likod kasunod ng pagtanggal ng kanyang breast implants.
Sa una, maayos naman ang mga sesyon niya. Pero sa ikatlong beses, ibang practitioner ang humawak sa kanya at sinama ang pag-adjust sa leeg. Pagkatapos ng "crack," agad niyang naramdaman na may mali. Nagsimula ang sakit sa leeg, at pag-uwi ay parang siya ay masusuka.
Makalipas ang ilang linggo, nakaranas siya ng pagkakita ng kakaiba at pag-blackout. Sa mga pagsusuri, lumabas na siya ay may vertebral artery dissection—isang punit sa ugat sa leeg na posibleng magdulot ng stroke. Agad siyang dinala sa ICU. “Muntik na akong mamatay,” ani Klundt.
Sa loob ng isang buwan, siya ay bedridden, halos 17 oras kada araw natutulog at laging may kirot. Ayon sa kanya, nagsisisi siya sa pagpapachiropractor ngunit mas gusto niyang magbigay ng babala sa iba. “Hindi ito tungkol sa pagsisisi sa iba, kundi para maging aware ang lahat,” sabi niya.
Bilang dating fitness enthusiast, tuluyan niyang binago ang lifestyle. “Hindi na ako makakapag-ski, makakasakay ng rollercoaster, o makapagturo ng fitness classes,” dagdag niya. Bagama’t gumagaling na siya ngayon, dala pa rin niya ang takot na maulit ito.