
Ang National Bureau of Investigation (NBI) ay kasalukuyang nagsisiyasat sa posibleng koneksyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa esipyonah o paniniktik sa bansa. Ayon kay NBI spokesperson Director Ferdinand Lavin, kasama nila ang PAOCC, Bureau of Immigration, at PNP sa imbestigasyon.
Ibinahagi ni Lavin sa House Quad Committee na nagbago na raw ang operasyon ng mga POGO mula sa online gaming patungo sa scamming o panloloko, lalo na matapos ipagbawal ng pamahalaan ang kanilang operasyon noong Nobyembre 2024.
Dagdag pa niya, nagsagawa na sila ng mga operasyon sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act at may mga dayuhang nasampahan na ng kaso dahil sa espionage. Sinabi rin niyang may mga nakuhang gadgets sa mga raid na ngayon ay sumasailalim sa digital forensic examination.
Nabahala rin ang ilang mambabatas tulad ni Rep. Bienvenido Abante dahil ang isyu ay tila may banta na sa pambansang seguridad. Tiniyak naman ng NBI na kanilang isusumite ang ulat kapag ito ay kumpleto na.
Sa ngayon, kumpirmadong tinutukoy na ng NBI ang kaugnayan ng POGO sa paniniktik at patuloy ang kanilang masusing pagsusuri sa mga ebidensya.