
Ang AI chatbots gaya ng Grok, ChatGPT, at Gemini ay ginagamit ng mga netizen para sa mabilisang fact-checking. Pero sa halip na makatulong, lalo lang itong nagkalat ng maling impormasyon habang sumiklab ang krisis sa pagitan ng India at Pakistan.
Sa social media, mga tanong na "Hey @Grok, totoo ba ito?" ang uso, pero ayon sa mga eksperto, madalas mali rin ang sagot ng mga chatbot. Isang halimbawa: maling sinabing missile strike sa Pakistan ang lumang video mula sa Sudan. May isa ring AI chatbot na nagsabing totoo ang pekeng video ng higanteng anaconda — kahit AI-generated lang ito.
Ayon sa NewsGuard at Columbia University's Tow Center, hindi pa maasahan ang AI chatbots pagdating sa breaking news. Kadalasan, gumagawa sila ng kwento, nag-iimbento ng impormasyon, o nagpapalaganap ng biased na sagot lalo na kapag sensitibo ang usapan.
Habang binabawasan ng mga tech company ang human fact-checkers, mas dumadami ang gumagamit ng AI bilang source ng balita. Pero ayon sa mga researcher, delikado ito lalo na kung walang sapat na kaalaman ang gumagamit.
Babala ng mga eksperto: “AI chatbots ay hindi kapalit ng totoong fact-checkers.” Kailangan pa rin ng tao para magbigay ng tamang impormasyon, lalo na sa panahon ng krisis at disinformation.