
Ang isang guro sa China ay umani ng batikos online matapos sampalin at pagbantaan ang 10-anyos na estudyante na si Ranran. Ayon sa ulat, sinabuyan ng bata ng water gun ang kanyang guro dahil hindi siya nabigyan ng gantimpalang kendi sa magandang asal.
Si Guro Lin, 59-anyos at nagtuturo ng math, dinala si Ranran sa opisina at kunwaring itinapon sa bintana ng ikatlong palapag. Nakunan ng CCTV ang insidente kung saan hinawakan din ni Lin ang bata sa kwelyo habang paalis ito.
Pag-uwi ni Ranran, napansin ng kanyang ama na si Chen ang pamamaga at pasa sa mukha at katawan ng bata. Ayon sa bata, paulit-ulit siyang sinampal. Nang komprontahin ni Chen si Lin, itinanggi nito ang pananakit.
Kinumpirma ng Education Bureau noong Mayo 18 na may pananagutan si Lin. Humingi siya ng paumanhin, ngunit siya ay binigyan pa rin ng pormal na babala at administrative detention. Sa panayam, sinabi niyang wala siyang intensyong manakit at mahal niya ang kanyang mga estudyante.
Bagamat gumaling na ang mga sugat ni Ranran, ayon sa kanyang ama, natatakot na ang bata pumasok sa paaralan at nagkaroon ng takot sa mga guro. Maraming netizen ang nagalit sa ginawa ng guro, habang ang iba naman ay sinisi rin ang bata at mga magulang sa kakulangan ng disiplina.