
Ang tatlong lalaki, kabilang ang isang dating media personnel, ay naaresto sa isang buy-bust operation ng Southern Police District-Special Operations Unit sa Kalayaan Street, Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City, nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa pulisya, isang asset ang nagpanggap na buyer ng baril mula sa mga suspek. Nang magpositibo ang transaksyon, agad silang inaresto. Rumesponde rin ang barangay matapos makakita ng kahina-hinalang kilos.
Mahigit isang buwan minanmanan ng pulisya ang galaw ng mga suspek na sinasabing sangkot sa bentahan ng baril sa Metro Manila at karatig-probinsya gaya ng Cavite. Nakuha sa operasyon ang tatlong M16 rifle, dalawang pistol, mga bala, magazine, at ID.
Kinilala ng Barangay Guadalupe Nuevo na mga residente nila ang tatlo, pero wala umano itong record sa barangay. Isa sa mga suspek ang nagtangging may kinalaman siya sa granada na nakuha, at sinabing “hindi pa ako nakakita o humawak nito.”
Patuloy pa ang imbestigasyon kung saan ginagamit ang mga baril at kung may koneksyon sa ibang krimen. Nahaharap ang mga suspek sa kaso ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.