
Ang isang babae ay namatay habang dalawang barangay tanod ang nasugatan matapos ang pamamaril sa isang birthday party sa Barangay 429, Sampaloc, Maynila noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Punong Barangay Jomar De Vera, patay ang babae pagdating sa ospital. Ang kanyang asawa na isa ring tanod ay tinamaan ng bala sa tuhod. Ang isa pang tanod ay nadaplisan ng bala sa balikat.
Base sa CCTV ng barangay, may motorsiklong dumaan sa eskinita. Pagtapat sa mga tao sa mesa, bigla na lang nagpaputok ng baril ang angkas. Natamaan agad ang babae, habang ang mga lalaki sa paligid ay kinuha pa ang upuan at hinabol ang mga salarin.
May ilang residente ang nagsabing tatlong sunod-sunod na putok ang narinig nila. Akala nila ay simpleng away lang pero nalaman nilang totoong putukan na. Sinubukan pa raw ng ibang residente na habulin at paluin ng dustpan ang mga salarin pero mabilis itong tumakas.
Ayon pa kay De Vera, walang kilalang kaaway ang biktima. Maingay lang ito magsalita at palaban, pero wala siyang alam na seryosong kaaway. Posibleng may lookout ang mga salarin dahil sa tapang ng ginawa nilang krimen sa masikip at mataong lugar.
Naka-helmet ang mga suspek kaya hindi sila namukhaan. Tumangging magsalita ang pamilya ng biktima dahil sa takot. Patuloy ang imbestigasyon para malaman ang motibo sa pamamaril.