Ang isang 10-anyos na batang lalaki ay pumanaw matapos siyang magpatuli sa isang clinic sa Tondo, Maynila noong Sabado, Mayo 17. Ayon sa kanyang ina na si Marjorie San Agustin, nalaman niya sa social media post ng kaibigan na mayroong murang tuli sa nasabing clinic kaya agad niya itong pinuntahan kasama ang anak.
Masaya pa raw ang bata habang tinutuli, at nakuhanan pa siya ng video ng kanyang ina. Nang tanungin kung masakit, ngumiti pa raw ito at sinabing hindi naman. Ilang minuto lamang ang lumipas, tinawag si Marjorie dahil tila nanginginig ang anak at nahihirapan nang huminga.
Nangingitim at nagsimulang mag-seizure ang bata, ayon kay Marjorie. Tinakbo nila agad sa ospital pero pagdating doon, wala na umanong pulso si Nathan. Hindi matanggap ng pamilya ang biglaan at hindi maipaliwanag na pangyayari.
Matulungin at masipag mag-aral si Nathan, sabi ni Marjorie. May honor pa ito at mahilig sumayaw. Kaya't sobrang sakit para sa kanya ang pagkawala ng anak. Hiling ng pamilya ang hustisya at pananagutan mula sa doktor na nagsagawa ng tuli.
Nagpablatter na ang pamilya sa Manila Police District at humingi na rin ng tulong sa NBI. Pansamantalang ipagpapaliban ni Marjorie ang ikalawang autopsy dahil sa awa sa anak. Sa halip, tutok muna siya sa paghahanap ng hustisya para kay Nathan.