Ang women's group na Gabriela ay nagpahayag ng pagkondena sa umano’y tangkang panggagahasa ng isang mataas na opisyal ng AFP sa kanyang dalawang assistant. Ayon kay Gabriela Secretary-General Clarice Palce, ang insidente ay patunay na may malalang karahasan sa loob ng militar.
Nag-ugat ang reklamo noong Enero 29, 2025, matapos magsama ang opisyal at ang dalawang tauhan sa isang event na inabot ng madaling araw. Pagbalik nila sa official residence ng opisyal, dito na raw ginawa ang hindi kanais-nais na kilos. Kinabukasan, agad na nagsampa ng reklamo ang dalawang staff sa Office of the Judge Advocate General (OJAG) at sa Prosecutor’s Office.
Giit ni Palce, hindi ito unang ulat ng pang-aabuso sa hanay ng militar. Aniya, “Kapag kayang abusuhin ng opisyal ang sarili nilang staff, paano pa ang mga karaniwang tao lalo na sa mga kanayunan?”
Dagdag pa ni Palce, may pattern na umano ng abusong sekswal sa loob ng AFP, at hindi ito mga "isolated cases." Kabilang sa mga iniugnay na insidente ay ang kaso sa Southern Tagalog, kung saan isang 15-anyos na dalagita ang umano’y dinukot at ginahasa ng mga miyembro ng CAFGU.
Nanawagan ang Gabriela na panagutin agad ang mga opisyal ng militar na inaabuso ang kanilang kapangyarihan. Ayon sa grupo, wala dapat puwang sa lipunan para sa mga taong nangaabuso sa kanilang katungkulan.