Ang masayang biyahe ng pamilyang Lavina ay nauwi sa trahedya matapos masangkot sa isang matinding banggaan sa Toronto noong Linggo, Mayo 18. Tatlong batang Filipino-Canadian — sina Ramone, Jace, at Maya Lavina, edad 6 hanggang 15, ang nasawi matapos banggain ng isang alleged drunk driver habang naka-stop sila sa traffic light.
Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng silver Dodge Caravan na minamaneho ni Ethan Lehouillier, 19 taong gulang mula Georgetown, Ontario, nang mawalan ito ng kontrol sa Renforth Drive exit ramp mula Highway 401. Bumangga ito sa likod ng Chrysler Pacifica kung saan sakay ang mga biktima. Tatlong iba pa — kabilang ang isang batang 10 anyos — ay nagtamo ng minor injuries.
Kinasuhan si Lehouillier ng impaired at dangerous driving resulting in death and injury. Nagpaabot naman ng pakikiramay si Ontario Premier Doug Ford, at nanawagan ng pinakamabigat na parusa sa salarin. Isang GoFundMe page ang inilunsad para tumulong sa pamilya ng mga biktima.