Ang panloloob sa isang bahay sa Barangay Tatalon, Quezon City ay sapul sa CCTV bandang alas tres ng madaling araw noong May 14, 2025. Ayon sa pulisya, dumaan sa butas ng exhaust fan ang 28-anyos na suspek upang makapasok. Dahil bakante ang likod ng bahay, madali siyang nakaakyat.
Isang laptop, dalawang tablet, at isang relo ang tinangay na aabot sa halagang P100,000. Nadiskubre ito ng may-ari kinaumagahan matapos mapansing butas na ang kanilang exhaust fan at nawawala ang ilang gamit.
Sa tulong ng CCTV at isang informant, nahuli ang suspek sa follow-up operation ng pulis. Narekober sa kanya ang isang pen gun na may lamang bala. Lumalabas sa imbestigasyon na dati na rin itong nakakulong dahil sa droga, sugal, at pagnanakaw.
Aminado ang suspek sa krimen at sinabing kinailangan lang daw niya ng pera para sa pagkain ng kanyang pamilya. Ibinenta raw niya ang mga gadgets sa halagang P4,000.
Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong robbery, paglabag sa Firearms and Ammunition Regulation Act, at sa Omnibus Election Code.