
Ang Bureau of Immigration (BI) ay magpapa-deport sa siyam na dayuhan na nahuli kamakailan sa Mactan-Cebu International Airport matapos mahulihan ng P440 milyon na hindi idineklarang pera noong May 10.
Kabilang sa mga nahuli ay pitong Chinese, isang Indonesian, at isang Kazakhstan national. Ayon sa BI, sila ay isinailalim na sa deportation proceedings bilang mga "undesirable aliens."
Sabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga banyaga ay pinagbabawalan ng batas na makisangkot sa mga aktibidad na maaaring makaapekto sa seguridad ng bansa. May ilan sa kanila na may mga warrant of arrest, kabilang si Wu Song na may Interpol red notice dahil sa kasong fraud.
Bukod dito, inaresto rin sa Cebu si Wang Chaoxin, isang 32-anyos na Chinese, dahil sa pagpapanggap bilang Filipino citizen. Nakuha umano ni Wang ang Philippine driver’s license, birth certificate, at nakapagrehistro pa ng negosyo gamit ang pekeng pangalan.
Dagdag pa ni Viado, sa tulong ng AFP at NBI, mas mabilis nilang naaaksyunan ang mga ulat ng dayuhang nananamantala sa immigration laws. Blacklisted na rin ang mga suspek para hindi na sila muling makapasok sa bansa.