
Ang trahedya sa Barangay 628, Maynila ay kumitil sa buhay ng dalawang batang magpinsan matapos masunog ang kanilang bahay nitong Lunes ng hapon. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Manila, pasado alas-diyes na ng gabi nang matagpuan ang mga katawan ng mga biktima na natabunan ng mga debris.
Matinding apoy ang tumupok sa mahigit 50 bahay, habang 220 pamilya ang nawalan ng tirahan. Umabot ito sa ikaapat na alarma at inabot ng mahigit tatlong oras bago tuluyang ideklarang "under control" ang sunog. Ayon sa BFP, electrical ang posibleng pinagmulan ng insidente.
Hindi naging madali ang pag-apula ng apoy dahil sa malakas na hangin, ayon kay Fire Insp. Cesar Babante ng BFP-Manila. Mahigit 30 fire trucks ang rumesponde sa sunog.
Pansamantalang nanunuluyan sa tatlong evacuation centers ang mga apektadong pamilya. Nagpaabot ng tulong tulad ng pagkain, hygiene kits, grocery items at damit ang LGU, MSWDO, at ilang volunteers.
Pinaka-kailangan ngayon ng mga residente ang tubig, kutson at kumot. Tinatayang nasa P400,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.