Ang programa ng gobyerno na magbenta ng P20 kada kilong bigas ay sinimulan na sa ilang lugar sa Visayas at Metro Manila. Ayon sa Department of Agriculture (DA), may dumating na 35,000 sako ng bigas sa Cebu mula sa Mindoro para sa pilot test ng proyekto. Sa Metro Manila, nagsimula na rin ang bentahan sa 12 Kadiwa ng Pangulo outlets.
Kasama sa mga lalawigang sumali sa P20 kada kilo na bigas ay ang Bohol, Siquijor, at Southern Leyte. Sa kabuuan, may 673,000 sako ng bigas ang inorder ng apat na lalawigan, na katumbas ng 33,650 tonelada. Ang Cebu ay nag-order ng 600,000 sako, habang ang Siquijor ay umorder ng 40,000 sako, Southern Leyte ng 30,000 sako, at ang Bohol ng 3,000 sako.
Sa tulong ng Food Terminal Inc. at mga lokal na pamahalaan, sinasalo ang P13 kada kilo para mapababa ang presyo ng bigas. Target na matapos ang delivery ng bigas sa Cebu sa Hunyo, at may 240,000 sako pang inaasahang darating mula Mindoro at Iloilo.
May P4.5 bilyon na pondo mula sa contingency fund ni Pangulong Marcos para suportahan ang programang ito, na inaasahang tatagal hanggang Disyembre 2025. Sinabi rin ng DA na kailangang mailabas na ang bigas mula sa mga warehouse ng NFA para makapaghanda sa pamimili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.