
Ang kabuuang 33 katao ang nahuli ngayong Lunes, Mayo 12, 2025, dahil sa paglabag sa liquor ban sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac, ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 3.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Rios Igarta, sampu ang nahuli sa Nueva Ecija, 21 sa Pampanga, at dalawa naman sa Tarlac. Ilan sa kanilang mugshots ay ipinost sa Facebook page ng PRO 3, partikular na mula sa Cabanatuan City Police Station.
Ang mga naaresto ay sinampahan ng kaso sa ilalim ng COMELEC Omnibus Election Code Resolution No. 11057 at agad silang dinala sa korte para sa legal na proseso.
Ipinaliwanag ni PRO 3 Director PBGEN Jean S. Fajardo na ang liquor ban ay nagsimula hatinggabi ng Mayo 11 at magtatapos 11:59 ng gabi, Mayo 12. Bawal sa panahong ito ang pagbenta, pagbili, at pag-inom ng alak o anumang nakakalasing na inumin.