Ang Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ay tinanggap na ang pagkatalo ng limang senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas matapos ang May 12, 2025 midterm elections. Ayon sa kanya, “Hindi man natin nakuha lahat ng pwesto, magpapatuloy ang ating trabaho at layunin.”
Dating 12 ang senatorial bets ng Alyansa, pero tinanggal si Senadora Imee Marcos sa lineup. Kumalat din ang balitang aalisin si Rep. Camille Villar, pero ito’y itinanggi ng tagapagsalita ng grupo. Sa 97.2% ng partial at unofficial results, anim sa Alyansa ang pasok sa Top 12, habang lima ang nanganganib matalo.
Nanawagan si PBBM sa mga bagong halal, kahit mula sa ibang partido, na makipagtulungan sa gobyerno para sa ikabubuti ng bansa. “Ang pamahalaan ay responsibilidad ng lahat. Sa mga bagong halal, iniaabot ko ang aking kamay. Magtulungan tayo para sa bayan,” aniya.
Dagdag pa ng Pangulo, “Sa gobyernong tapat, kasama ang lahat.” Naniniwala siyang mas maaabot ang tagumpay kung may pagkakaisa at bukas na isipan sa bawat isa.
Samantala, sinabi ni Alyansa campaign manager Toby Tiangco na nananatili silang positibo sa naging resulta. “Layunin naming ipanalo ang mga kandidatong may kakayahan at karanasan para makatulong sa Senado at sa mga Pilipino,” ani Tiangco.