Ang isang babae ay nahuli sa Comelec checkpoint sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija matapos makita sa kanyang bag ang P1.65 million na cash. Nangyari ito sa Barangay Poblacion West nitong Sabado, ilang araw bago ang halalan.
Napansin ng mga pulis ang isang eco-bag na bahagyang bukas at may lamang mga P1,000 bills. Umamin ang babae na P1.65 million ang laman ng bag. Wala rin itong maipakitang pahintulot mula sa Comelec.
Ayon sa pulisya, nilabag ng babae ang Section 28 ng Comelec Resolution No. 11104, na nagbabawal sa pagdadala ng mahigit P500,000 dalawang araw bago at sa mismong araw ng eleksyon kung walang permit.
Sinabi ni PRO3 Director Brig. Gen. Jean Fajardo na seryoso ang kanilang kampanya para sa malinis at ligtas na halalan ngayong 2025. Mahigpit ang pagbabantay laban sa mga posibleng kaso ng dayaan.
Sa tala ng Kontra Bigay Committee ng Comelec, higit 400 reklamo na ang natanggap kaugnay ng vote-buying, vote-selling, at pag-abuso sa pondo ng gobyerno para sa Midterm Election 2025.