Isang linggo matapos ang malagim na aksidente sa NAIA Terminal 1, inilibing na ang 4-anyos na si Malia Kates Yuchen Masongsong, ang batang nasawi sa insidente.
Sa unang pagkakataon kagabi, nasilayan ni Cynthia Masongsong ang labi ng kanyang anak, bago ang araw ng libing. Halos hindi niya mapigil ang iyak sa tindi ng sakit na nararamdaman sa pagkawala ng kanyang nag-iisang anak.
Dahil sa tinamong sugat sa aksidente, nasa wheelchair pa rin si Cynthia. Hindi siya halos mawalay sa kabaong ng kanyang anak, pati ang kanyang asawang si Danmark.
Punong-puno ng lungkot ang mga nakipaglibing. Kasama ng pamilya ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na patuloy ang suporta.
Dumalo mismo sa libing sina Sec. Hans Leo Cacdac at OWWA Administrator Arnell Ignacio. Idinaos ang misa sa Sto. Niño Parish at dinala ang labi ni Malia sa Eternal Memorial Gardens.