
Ang mga driver na mahuhuling lumalabag sa batas trapiko sa pamamagitan ng video ay maaaring awtomatikong masuspinde ang kanilang lisensya ng 90 araw, ayon kay Transport Secretary Vince Dizon.
Ayon sa kalihim, inatasan niya ang LTO na agad na suspindihin ang lisensya ng sinumang driver na makikitang lumalabag sa batas sa video, kahit walang imbestigasyon o hearing.
“Kung may makitang video sa social media na nagpapakita ng abusadong driver, automatic suspendido na,” sabi ni Dizon.
Dagdag pa niya, "Walang hearing-hearing. Basta may pruweba na umaabuso sa kalsada, suspendido agad. 90 days ang suspensyon."
Kasunod ito ng mga malalalang aksidente tulad ng salpukan sa SCTEX at banggaan sa NAIA Terminal 1 na nagresulta sa pagkamatay ng labindalawang tao. Ilan sa mga panukalang pagbabago ni Dizon ay ang pagbabawas ng oras ng pagmamaneho ng mga PUV driver sa 4 na oras, mandatory drug test, at mas mahigpit na proseso sa pagkuha ng lisensya.