
Ang hindi inaasahang insidente ay nangyari habang kumakain si Carletta Andrews sa isang restaurant sa Virginia, USA. Kasama niya ang kanyang asawa sa Patron Mexican Restaurant and Cantina nang biglang may bumagsak sa kanyang ulo habang umiinom siya ng margarita.
Ayon kay Carletta, “Parang may tumama sa noo ko, tapos biglang nakita ko na lang ang ahas sa inumin ko.” Laking gulat niya nang makita niyang gumagalaw ang baby snake at nililingkis ang straw ng kanyang alak.
Sinubukan ng crew ng restaurant na alisin ang ahas gamit ang stick pero hindi ito agad naalis. Isang customer ang naglakas-loob na dalhin sa labas ang kopita para itapon ang ahas.
Matapos ang pangyayari, nag-alok ang restaurant na ilipat sila ng mesa, pero tinanggihan ito ni Carletta. Gusto na lang daw niyang umalis dahil sobrang takot at pagkabigla ang naramdaman niya.
Ipinaliwanag ng may-ari ng restaurant na posibleng galing sa aircon vent ang ahas. Napag-alaman din na ang restaurant ay may dating health violations tulad ng amag, sira-sirang kisame, at tagas. Bagama't inayos na raw ito, nababahala pa rin ang ilang customers.