
Ang isang lalaki mula Solihull, England ay nagulat nang malaman na ang koteng nabili niya online ay ang mismong 2016 Honda Civic Type R na ninakaw sa kanya. Tatlong taon na sa kanya ang koteng iyon bago ito biglang nawala isang umaga habang gagamitin sana ng kanyang nobya.
Si Ewan Valentine, 36 anyos, ay agad na nag-report sa pulis at insurance company. Nag-post rin siya sa social media ng mga litrato ng kotse at humingi ng tulong sa publiko. Pero makalipas ang ilang linggo, tila walang nangyayari kaya napilitan siyang humanap ng kapalit na sasakyan online.
Habang naghahanap, may nakita siyang Honda Civic na sobrang kapareho ng kanyang nawala—lalo na sa custom exhaust system. Maliban lang sa ibang registration plates, halos pareho lahat. Dahil sa sobrang excitement, agad niya itong binili nang hindi masyadong sinusuri.

Kalaunan, natuklasan niyang ito nga ang kanyang dating kotse. Sa panayam, sinabi ni Ewan, “Hindi ako gumawa ng masusing pag-check.” Aminado siyang may emotional attachment siya sa sasakyan kaya siya agad nadala.
Ang pangyayari ay naging aral sa kanya na mas maging maingat sa mga online na transaksyon. Bagama’t tila malas sa una, nauwi pa rin sa magandang ending ang kanyang kwento—nakuha niya muli ang mahal niyang kotse.