
Ang isang 17-anyos na Pinay ay nasawi matapos masagasaan ng tren sa Greco-Pirelli Station, Milan, Italy noong Sabado ng gabi.
Base sa report, tinamaan ng tren ang dalagita habang tumatawid sa riles sakay ng scooter kasama ang kanyang mga magulang, bandang 10:31 PM. Agad siyang dinala sa San Gerardo Hospital sa Monza, pero binawian ng buhay habang ginagamot.
Hindi naibigay sa ulat ang pangalan ng biktima, pero kinumpirma ng mga otoridad ang insidente.
Nagpahayag ng pakikiramay ang Philippine Consulate General in Milan sa pamilya ng nasawing kababayan. Nakiusap din sila sa Filipino community na ipagdasal ang kaluluwa ng dalagita.