
Ang isang kotse ay aksidenteng pumasok sa loob ng supermarket sa Solano, Nueva Vizcaya noong Martes ng gabi, dahilan para masugatan ang tatlong customer.
Base sa imbestigasyon, magpa-park lang sana ang kotse sa kanlurang bahagi ng parking area sa Barangay Quirino. Pero dahil mas mataas ang parking kaysa sa kalsada, diniinan ng drayber ang silinyador para hindi masabit ang ilalim ng kotse—kaya bigla itong umarangkada.
Tumalon ang kotse sa tire stopper, nabutas ang dalawang glass panel, at dumiretso sa loob ng supermarket. Nahinto lang ito nang bumangga sa Customer Service Cubicle.
Tatlong customer ang sugatan at agad dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center. Ang drayber, isang 61-anyos na babae, ay isinugod din sa ospital matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib.
Patuloy ang imbestigasyon sa nangyaring aksidente habang inaalam pa kung may pagkukulang sa seguridad ng parking area.