Ang dating Kalibo mayor at presidente ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) na si Juan "Johnny" Dayang ay pinatay sa pamamaril sa loob ng kanyang bahay sa Kalibo, Aklan nitong Martes ng gabi. Si Dayang ay 79 taong gulang at residente ng Kalibo.
Ayon sa Kalibo police, nanonood ng TV si Dayang nang dumating ang suspek na nakasuot ng itim na jacket at helmet. Binangga siya ng suspek at pinagbabaril, bago mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo.
Dinala agad si Dayang sa Aklan Provincial Hospital, ngunit ideneklarang dead on arrival ng doktor dahil sa tama ng bala sa kanyang likod. Habang isinasagawa ang hot pursuit operation, patuloy pa ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.
Si Johnny Dayang ay kilala bilang dating kolumnista ng Balita at Tempo sa ilalim ng Manila Bulletin Publishing Corp. Kinondena naman ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang pagkamatay ni Dayang. Ayon kay Jose Torres Jr., Executive Director ng PTFOMS, nakikiramay sila sa pamilya ni Dayang at patuloy nilang tinutulungan ang mga awtoridad upang malutas agad ang kaso.