Ang isang puganteng Amerikano na wanted sa Estados Unidos dahil sa kasong abduction at panggagahasa sa isang 12-anyos na bata ay inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Cavite. Ayon kay Commissioner Joel Anthony M. Viado, ang arestado ay si Young Tom Talmadge, na nahuli ng Fugitive Search Unit (BI-FSU).
Inutos ni Viado ang pag-aresto kay Talmadge matapos nilang matanggap ang impormasyon mula sa US Homeland Security Investigations (US-HSI). Patuloy daw ang koordinasyon ng BI sa mga international agencies para protektahan ang mga batang Pilipino at itaguyod ang hustisya.
Si Talmadge ay may warrant of arrest na inisyu noong Marso 20, 2025 ng 13th Judicial Circuit Court ng Hillsborough County, Florida. Ang biktima ng suspek ay isang batang babae na 12 anyos.
Ngayon, nakakulong si Talmadge sa BI detention facility sa Taguig City, habang hinihintay ang kanyang deportasyon pabalik sa Estados Unidos.