Ang isang lalaki na taga-San Fernando, Cebu ay natagpuang patay at nakagapos sa isang electric post sa Aloguinsan, ilang oras matapos siyang dukutin ng mga hindi kilalang tao habang pauwi mula sa lamay ng kapitbahay.
Ayon sa pulisya, ang biktima na kinilalang si Robert Genotiva, 25, ay huling nakitang pilit na isinakay sa isang itim na sasakyan bandang ala 1 ng madaling araw noong April 29, 2025. Naganap ito malapit sa kanilang bahay sa Barangay North Poblacion, San Fernando.
Mga bandang alas 6 ng umaga, natagpuan ang bangkay ni Genotiva sa Purok 3, Barangay Punay, Aloguinsan, na nasa layong 27 kilometro mula sa San Fernando. Siya ay may tama ng bala sa ulo at katawan, at nakagapos sa poste.
Wala umanong alam ang pamilya kung bakit siya pinatay. Sabi ng kamag-anak, wala naman daw itong kaaway o nakaalitan. Nagtataka sila kung bakit ganito ang sinapit ni Genotiva.
Sinabi ng mga pulis na tuloy-tuloy ang imbestigasyon at tinitingnan nila ang posibilidad ng koneksyon sa illegal na droga, pero wala pang final na konklusyon sa ngayon.