
Noong Pebrero 24, 2016, isang mahalagang sandali ang hindi malilimutan ng pamilyang Dela Cruz. Ang kanilang anak na si Carlisle, na noo’y dalawang taong gulang, ay binuhat ng Vatican security at dinala kay Pope Francis sa Saint Peter’s Square. Hinalikan ni Pope Francis si Carlisle—isang espesyal na biyaya para sa kanilang buong pamilya.
Ang ama ni Carlisle na si Junfer, kamakailan lang ay muling nagbahagi ng video ng nasabing pangyayari. Kasama sa post ang mensaheng punô ng pasasalamat: “Salamat sa Diyos sa Galilee Moment na ito para sa aming pamilya.”
Nang mabalitaan ang pagpanaw ni Pope Francis, nagbahagi rin ng larawan si Christian, ang ina ni Carlisle, kalakip ang mensaheng: “Nakakalungkot sa Easter Monday. Pahinga ka na, Lolo Kiko.” Ang larawang ito ay galing sa Vatican press office at nakasabit ngayon sa isang espesyal na bahagi ng kanilang bahay.
Ayon sa mag-asawa, ang kanilang pagbisita sa Vatican ay kasabay ng Couples for Christ Leaders Summit sa Assisi, Italy. Hindi man sila naka-puwesto sa unahan, nilapitan sila ng Vatican security at doon na nagsimula ang hindi inaasahang pagkakataon.
Para kay Junfer, ito ay isang himala. “Si Carlisle, likot pa noong panahon na iyon. Pero noong nilapitan kami, bigla siyang naging kalmado habang nakikipag-usap kay Pope,” kwento niya. Para sa pamilya, ito ay isang tunay na basbas mula sa Diyos.
Ngayon, si Carlisle ay labing-isang taong gulang na at aktibo sa Kids for Christ, habang ang kanyang ate na si Charlize ay nasa Youth for Christ. Pinapalaki sila ng kanilang mga magulang sa malalim na pananampalataya.
Dagdag pa ni Christian, “Sa panahon ngayon, napakahalaga ng mga Pope na bukas ang puso sa kabataan at mahihirap, tulad ni Pope Francis. Kaya kung si Cardinal Tagle man ang susunod, malaking biyaya ito para sa simbahan.”