
Ang Department of Education (DepEd) ay nakatanggap ng ₱65 bilyon para sa pagtatayo ng halos 25,000 bagong silid-aralan ngayong 2026, ang pinakamalaking target mula pa noong 2020. Bahagi ito ng ₱1.015 trilyon na badyet para sa edukasyon, unang beses na naabot ng bansa ang UNESCO benchmark sa education spending.
Sa kabuuang pondo, ₱85.3 bilyon ang inilaan para sa paggawa at pagkukumpuni ng mga silid-aralan. Dito, ₱65 bilyon ay para sa bagong classrooms at ₱7.7 bilyon para sa repair ng mga lumang gusali. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng DepEd na pagbutihin ang kalidad ng edukasyon, pasilidad, at suporta sa mga guro, kasabay ng mas mabilis at transparent na implementasyon.
Gayunman, nananatili ang malaking problema sa classroom backlog na tinatayang nasa 148,000 silid-aralan, at patuloy pang lumalaki dahil mas mabilis ang enrollment growth kaysa konstruksyon. Sa mga nakaraang taon, malayo sa target ang aktuwal na bilang ng mga silid-aralang natapos, dahilan upang mabagal ang paghabol sa kakulangan.
Isa sa mga pangunahing isyu ang bottlenecks sa implementasyon—mula sa planning delays, failed biddings, hanggang sa cost mismatch ng DepEd at DPWH. Habang ₱3.5 milyon ang batayang gastos ng DPWH kada silid-aralan, ₱2.5 milyon laman ang naka-budget sa DepEd, na nagdudulot ng pondo gap at pagkaantala ng proyekto.
Ayon sa EDCOM II, kailangan ng humigit-kumulang ₱105 bilyon kada taon para makasabay sa demand na 12,000 bagong silid-aralan taun-taon. Sa kasalukuyang takbo, maaaring umabot ng mahigit 20 taon bago tuluyang maresolba ang kakulangan. Ipinapakita nito na hindi lang mas malaking pondo ang kailangan, kundi mas maayos na datos, koordinasyon, at sistema sa pagpapatupad.




