
Ang grupo ng mga senior citizens ay nagsagawa ng protestang tinawag na “Seniors Kontra Kurakot” sa Cubao, Quezon City. Suot nila ang mga T-shirt na may parehong mensahe para ipakita ang kanilang panawagan laban sa korapsyon. Ayon kay Candy Yuzon ng Seniors on the Move, layon nilang tuluyan nang mapanagot at makulong ang mga tiwaling opisyal.
Sinabi ni Yuzon na matagal na silang dapat nagpapahinga, pero hindi sila mapakali dahil patuloy nilang nakikita ang bulok na sistema. Dagdag niya, paano raw nila maipapamana sa kanilang mga anak at apo ang isang bayan na normal na ang pangungurakot?
Iginiit din ni Yuzon na hindi dapat manatili sa bahay ang mga nakatatanda. Gusto nilang makisama sa panawagan dahil hindi sila mapanatag kung alam nilang may malaking problema ang bansa. Aniya, bilang mga seniors, dapat ini-enjoy na lang nila ang buhay, pero hindi sila makapikit sa kawalan ng hustisya.
Kasama sa nagprotesta ang mga retirado, tulad ni Bani Cambronero, 65, dating OFW. Ayon sa kanya, sila ang isa sa pinakaapektado ng korapsyon dahil sa tagal ng panahon, ito na raw ang madalas nilang nararanasan. Para sa kanila, panahon na para tumindig.
Dagdag pa ni Cambronero, simula pa lang ito ng kanilang panawagan. Plano rin nilang sumali sa mas malaking anti-corruption rally sa Luneta sa Nobyembre 30.

