
Ang Bagyong Ramil (Fengshan) ay tumawid sa Manila Bay at dumaan sa Olongapo City, Zambales nitong hapon ng Linggo, Oktubre 19, 2025. Nagdulot ito ng malakas na ulan at hangin sa Metro Manila at Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, taglay ni Ramil ang lakas ng hangin na 65 kph malapit sa sentro at bugso na aabot sa 90 kph, habang kumikilos sa bilis na 15 kph. Umaabot ang gale-force winds hanggang 430 km mula sa sentro.
Itinaas ang Signal No. 2 sa ilang bahagi ng Benguet, La Union, Pangasinan, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, Bataan, at ilang lungsod sa Metro Manila kabilang ang Quezon City, Caloocan, Manila, Makati, Pasay, Taguig, at Parañaque.
May Signal No. 1 naman sa hilagang Luzon, kabilang ang Cagayan, Isabela, Ilocos Region, pati na rin sa ilang bahagi ng Quezon, Laguna, Cavite, Batangas, Rizal, Mindoro, Marinduque, Romblon, at Camarines Norte.
Nagbabala ang PAGASA ng storm surge na may taas na 1–2 metro sa mabababang baybayin ng Aurora, Quezon, Zambales, Bataan, Batangas, Cavite, Pangasinan, Ilocos Sur, La Union, at Mindoro. Mapanganib din ang paglalayag sa kanlurang dagat ng Luzon dahil sa alon na maaaring umabot sa 4.5 metro. Inaasahang lalabas si Ramil sa Philippine Area of Responsibility sa Lunes, Oktubre 20, at posibleng lumakas muli sa West Philippine Sea.