
Ang Department of Health (DOH) ay nag-ulat na mas mababa ang bilang ng flu-like illnesses ngayong taon kumpara noong 2024. Mula Enero hanggang Setyembre 27, may naitalang 121,716 flu-like cases, mas mababa ng 8% kaysa sa 132,538 cases noong nakaraang taon.
Ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo, ito ay magandang senyales ngunit kailangan pa ring magpatupad ng preventive measures lalo na ngayong papasok ang panahon ng trangkaso. “Mas mababa ng 8%, pero alam natin na kapag ganitong panahon, nagsisimula nang tumaas ang mga kaso,” sabi ni Domingo.
Naglabas din ng advisory ang DepEd NCR kung saan sinuspinde ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa Metro Manila noong Oktubre 13 at 14. Layunin nito ang disinfection, sanitation at building inspection para sa kaligtasan ng mga estudyante matapos ang pagtaas ng flu-like symptoms at kamakailang lindol.
Ang mga flu-like illnesses (ILI) ay sintomas na kahawig ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, at sore throat, pero hindi palaging kumpirmadong influenza. Ayon sa World Health Organization, ang ILI ay karaniwang may lagnat na 38°C pataas na sinasabayan ng ubo, at nagsisimula sa loob ng huling sampung araw.
Patuloy na mino-monitor ng DOH ang mga kaso gamit ang sentinel surveillance system mula sa mga ospital, health centers, at school clinics. Wala pang deklarasyon ng outbreak, ngunit nananatiling “sound precaution” ang pag-iingat ng mga lokal na awtoridad para mapanatiling mababa ang kaso.